Tondod High School
Mula sa pagiging isang napakapayak na bayan, mga simpleng straktura at limitadong kagamitan, nasaan na nga ba ang San Jose ngayon?
Ang mga mamamayan nito ay namuhunan ng dugo at pawis at nagpamalas ng kahusayan sa iba’t-ibang larangan na nagbigay sa ngayo’y Lungsod ng San Jose ng katanyagang Nasyunal at Internasyunal. Hindi matatawaran ang isang Lino O. Brocka sa larangan ng pagdidirehe ng mga dekalidad na pelikula noong dekada 70-90. Pinahahalagahan siya bilang “Dekano ng mga Film Directors sa matatagumpay niyang pelikula na ang ilan ay nailahok sa “Cannes Film Festival” at umani ng papuri at karangalan sa daigdig. Katangi-tangi naman ang isang Manananggol Hermogenes P. Pobre na naging Commissioner ng Professional Regulation Commission at Publisher ng prestihiyosong pahayagang “Manila Bulletin” at bukod dito’y siya ring General Manager ng Manila Hotel. Mabibilang din ang katulad ni Abogado Gaudencio Mendoza, Jr. na naging Undersecretary ng Finance at Aniceto Sobrepeña na naging sekretaryo ng Presidential Management and Staff. Si Dr. Manuel B. Agulto, isang “eye specialist” ay napabantog bilang taga-suri ng paningin ng dating Unang Ginang Imelda R. Marcos. Sa palakasan nakilala ang Tour of Luzon Champion na si Armando Catalan. Tunay ngang kahanga-hanga ang kanilang nagawa na naging inspirasyon ng mga San Josenian.
Bukod dito, malayo na ang narating ng dating madawag na “Kabaritan”. Hindi matatawarang pag-unlad ang mga strakturang kagaya ng mga maaaliwalas na lansangan, pamilihan at lugar pasyalang ibinunga ng mga nakaraang pamamahala. Ang malawak na lupain nito’y napagyaman at nabansagan na itong “ Tanduyong Capital of the Philippines”. Subalit higit sa mga straktura, ang lalong mahalaga ay ang kaginhawahan at ang kabutihan ng pamumuhay ng mamamayang sumasakop dito. Ito ang nais pang pag-ukulan ng pansin ng kasalukuyang alkaldeng si Kgg. Marivic V. Belena sa kanyang tuloy-tuloy na pananaliksik para sa mga programang ipatutupad pa.
Katangi-tangi ang istilo ng kanyang pamamahala na bukod sa paghihigpit ng sinturon at matalinong paggastos ng “IRA” ng Lungsod ay may pananalig sa kahalagahan ng paglahok ng mamamayan upang magtagumpay ang mga programa ng pamahalaang lokal. Malinaw at umaalingawngaw ang panawagan ng Punong Lungsod ng San Jose na “Kung ang bawat Barangay ay magsasama-sama, lungsod ay sasagana”. Dapat itong bigyang pansin at hindi balewalain, maging masikap at mapangaraping San Josenian, sapagkat sa ating kamay nakasalalay ang katuparan ng lahat ng adhikain sa higit pang pagsulong ng San Jose.
|